Kahit pinalawig hanggang sa May 15 ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dito sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar ay tuloy pa rin ang pagbabalik sa session ng Senado sa May 4.
Paliwanag ni Senate President Tito Sotto III, katungkulan nila magsagawa ng session alinsunod sa itinatakdang petsa ng legislative calendar.
Base sa legislative calendar, kailangang magsagawa ng session ang Senado at Kamara mula May 4 hanggang June 5 at muli silang babalik sa July 27 para sa pagbubukas ng second regular session sa ilalim nitong ika-18 Konggreso.
Ayon kay Sotto, pag-aaralan pa nila kung pupunta sila sa Senado para session o tutularan nila ang balak ng kamara na idaan sa teleconferencing ang session.
Dagdag pa ni Sotto, kasama din sa kanilang pag uusapan ay kung papayagan ang media coverage sa kanilang sesyon pero malamang daw na hindi na dahil pwede na silang panoorin sa internet.