Ipinakokonsidera ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbabalik ng summer vacation ng mga mag-aaral sa mga buwan ng Marso, Abril at Mayo.
Ang apela ng senador sa Department of Education (DepEd) ay bunsod na rin ng tumitinding init ng panahon sa mga nabanggit na buwan na dulot ng climate change gayundin ng mga nangyaring insidente sa ilang mga estudyante dahil sa matinding heatwave.
Ipinaliwanag ni Go na kapag pumapasok ang ganitong panahon, mahihirapan din ang mga estudyante na magpokus sa kanilang pag-aaral dahil hindi sila komportable.
Iginiit din ng senador na hindi rin dapat balewalain ang naging resulta ng survey sa 11,000 na mga guro kung saan lumitaw na 67 percent ng public school teachers ang nakaranas ng hindi makayanang init ng panahon sa loob ng mga silid-aralan.
Ipinaalala ni Go na hindi lahat ng classrooms sa ngayon ay may air-conditioning unit at maging sa mga public school ay kulang din kahit sa electric fan.
Sa kabilang dako, tiwala naman ang senador na pinag-aaralan na ng DepEd at maging ng Department of Tourism (DOT) ang epektibong sistema para sa school calendar.