Malaking hamon ang kinakaharap ngayon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Rolly.
Sa interview ng RMN Manila kay NGCP Spokesperson Patricia Roque, sinabi nito na nagsimula na sila ng aerial at ground patrol inspections upang makita at ma-assess ang lawak ng pinsala sa mga transmission line na sinira ng bagyo.
Sa ngayon aniya ay nasa labing isa (11) pang 69 kilovolt transmission lines ang hindi pa rin operational, pati na ang siyam (9) na 230 kilovolt lines at labing isang (11) 350 kilovolt lines.
Patuloy rin inaalam ng NGCP ang daming poste at linya ng kuryente na sinira ni Rolly.
Kasabay nito, kinumpirma ni Roque na posibleng matagalan pa bago maibalik ang suplay ng kuryente sa Albay at Camarines Sur lalo na’t ilan sa mga lugar doon ay isolated pa rin o kaya ay lubog sa baha.
Kahapon ay naibalik na ang supply ng kuryente sa ilang lugar sa Quezon at Batangas matapos ang restoration works sa Calaca-Nasugbu 69kv
lines, Batangas-Rosario 69kv line, Batangas-Mabini-Cuenca 69kv line, at Batangas-Taysan 69kv transmission line.