
Bumwelta ang Malacañang sa tila pasaring ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng kilos-protesta ng ilang Pilipino sa The Netherlands dahil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang rally sa The Hague, agad dumistansya ang pangalawang pangulo at sinabing hindi siya ang nanawagan ng resignation ng pangulo kundi ang mga Pilipino doon.
Pero sinundan din ito ng kanyang pasaring na kaya nagbibitiw sa pwesto ang isang opisyal ay dahil bigong maipakita sa taong-bayan ang maayos na pag-iisip at kakayahang mamuno.
Pero kwinestyon ni Palace Press Officer Claire Castro ang tila pagkikibit-balikat ni VP Sara sa panawagan ng ilang Pilipino doon na mag-resign na ang Pangulo, dahil siya rin ang tiyak na makikinabang kapag nagbitiw sa pwesto si PBBM.
Giit pa ni Castro, ang mga Pilipino ang nag-desisyon at hindi iisang tao lamang kung bakit nakabalik sa pwesto si Pangulong Marcos.
Taliwas aniya ito sa mga ipinapakalat sa social media na umano’y binigyan ng dignidad ng dating Pangulong Duterte ang mga Marcos na makabalik sa pwesto.
Sa katunayan aniya ay una pa ngang tinawag ni dating Pangulong Duterte si Pangulong Marcos na mahinang lider kung kaya’t walang katotohanan na dahil sa mga Duterte kaya nanalo si Pangulong Marcos dahil hindi naman ito naniniwala sa kakayahan noon ng Pangulo.