Pagbabalik ni US President-elect Donald Trump, dapat na paghandaan ng gobyerno

Pinayuhan ni Senate President Chiz Escudero ang bansa na paghandaan ang muling pagbabalik ni United States President-elect Donald Trump sa White House matapos magwagi sa pinakahuling eleksyon.

Ayon kay Escudero, maliban sa pagpapaabot ng pagbati kay Trump ay dapat simulan na ng pamahalaan ang pagbalangkas ng mga pwedeng mangyari sa bansa sa ilalim ng Trump era at paghandaan ang pagtugon sa bawat plano nito mula sa kalakalan, seguridad at sa immigration na tiyak na makakaapekto sa bansa.

Ilan sa mga dapat paghandaan ng Pilipinas ay kung sakaling itutuloy ni Trump ang planong pinakamalaking mass deportation sa kasaysayan ng Estados Unidos, ang paghina ng piso kontra dolyar, ang pagtataas ng buwis sa mga produkto mula sa US at ang posisyon ng Amerika sa China.


Sinabi ni Escudero na ilan lamang ito sa mga ikinampanya ni Trump na dahilan ng pagka-panalo niya sa halalan.

Partikular na nababahala ang senador sa maaaring kahinatnan ng 300,000 mga Pilipino na posibleng mapalayas ng Estados Unidos at pauwiin ng bansa.

Aniya pa, kahit isang porsyento lang sa 300,000 na mga kababayan ang palayasin sa Amerika, mangangailangan pa rin ang bansa ng sampung malalaking eroplano para rito.

Facebook Comments