Pinayagan na ng Department of Tourism (DOT) na magbalik-operasyon ang nasa 7,200 hotels at resorts sa buong bansa upang makaahon ang mga ito makaraang lubhang maapektuhan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang mga ito ay maari nang tumanggap ng mga guest depende sa quarantine classification ng bawat lugar kung nasaan ang kanilang establisyimento.
Kinakailangan na mayroon silang Certificate of Authority to Operate (CAO) o provisional CAO mula sa DOT kung saan patunay ito na ang establisyimento ay sumailalim sa inspections at nakakasunod sa protocols alinsunod sa globally-recognized health and safety standards.
Ang mga rehiyon na may maraming bilang ng mga hotels at resorts na nabigyan na ng CAOs at PCAOs ay ang Region IV-A na may 1,303; Region 3 (830) at Region 1 na may 806.