Posibleng mapaaga ang pagbabalik -operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) 3.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Timothy John Batan na simula ngayong araw hanggang sa Sabado, July 11, 2020, ang inanunsyo nilang tigil -operasyon ng MRT upang bigyang daan ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab testing ng lahat ng empleyado nito.
Pero ayon kay Batan, sa oras na matapos at makuha agad ang resulta ng PCR test ng kanilang mga tauhan at makamit ang hindi bababa sa 1,300 personnel ay maaari na silang magbalik- operasyon.
Matatandaang 186 na mga personnel ng MRT ang nagpositibo sa COVID-19, sa nasabing bilang, 17 dito ang station personnel habang 169 ang depot personnel.
Maliban sa mga empleyado, sasailalim din sa testing ang maintenance provider at subcontractors nito upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Samantala, habang may temporary shutdown, nagsasagawa naman ng disinfection sa lahat ng MRT-3 facilities, kabilang na sa depot, mga stations at sa mga tren.
Upang umagapay naman sa mga commuters, nagpapatuloy ang MRT-3 Bus Augmentation Program.