Umapela si House Committee on Games and Amusements Vice Chairman Sonny Lagon kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang unti-unting pagbubukas ng sabungan sa mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Sa liham na ipinadala ng kongresista sa Pangulo, ipinakokonsidera nito sa pamahalaan ang gradual o unti-unting pagpapatuloy ng operasyon ng gamefowl industry na nagpapasok ng bilyong piso na kita sa bansa at upang makatulong na rin sa paglikha ng trabaho at maibangon muli ang bumabagsak na ekonomiya.
Bunsod aniya ng pagsasara ng mga sabungan sa bansa ay bumagsak sa 50% ang sales sa ₱30 billion na feeds industry at ₱15 billion naman sa veterinary products.
Aabot naman sa 14,000 poultry supply stores at 60,000 breeders ang apektado ng pagsasara ng industriya.
Ang pagsasara aniya ng mahigit 3,000 cockpits sa buong bansa dahil sa pandemya ay nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng libo-libong manggagawa kabilang dito ang mga cockpit vendors, farmhands at empleyado sa manufacture at sales ng feeds, veterinary supplies, farm equipment at iba pang empleyado ng supply chain ng gamefowl industry.
Dagdag pa ni Lagon, pinagsusumite na rin niya ng safety-guaranteed proposal ang International Federation of Gamefowl Breeders Association Inc., (FIGBA) sa Inter-Agency Task Force (IATF) upang maikonsidera ang muling pagbubukas ng mga sabungan sa bansa.