Nagbabantay na rin ang Philippine National Police (PNP) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Kasunod ito ng pagbabalik-pasada ng halos 1,000 UV Express Units sa kabila ng mataas na banta pa rin COVID-19.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, katuwang sila ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtitiyak na nasa maayos at ligtas ang biyahe ng mga UV Express.
Aniya, iniispeksyon nila ang nasa 47 mga terminal ng mga UV Express para matiyak na nasusunod ang minimum health standards na itinatakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).
Hanggang sa ngayon aniya naka-deploy ang mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA para bantayan din ang mga motoristang nais lamang ay maglakwatsa.
Paalala ni PNP Chief, nananatili pa rin ang community quarantine sa buong bansa kaya’t walang ibang magandang paraan para malabanan ang COVID- 19 ay ang manatili sa mga bahay.