Pagbabalik sa dating oras ng curfew sa lungsod ng Maynila, inaprubahan na ng Konseho

Inaprubahan na ng Konseho ng Maynila ang pagbabago ng curfew sa lungsod.

Ito’y base na rin sa rekomendasyon ni Manila Mayor Isko Moreno sa Konseho na ibalik sa alas-10:00 pm hanggang alas-5:00 am ang curfew hour sa lugar.

Nabatid na mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa lungsod ay sinimulang ipatupad ang alas-8:00 pm hanggang alas-4:00 am na curfew hour.


Matatandaan na ang orihinal na curfew hour sa lungsod ng Maynila ay mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Ayon kay Cesar Chavez, Chief of Staff ni Mayor Isko, ang rekomendasyon ng alkalde na maibalik sa dating oras ng curfew ay upang mabigyang pagkakataon ang mga manggagawa na makauwi nang maayos sa kani-kanilang bahay.

Mula nang isailalim kasi aniya sa General Community Quarantine (GCQ) ang Maynila ay may mga restaurant na ang nagbukas bagamat maaga rin naman nagsara ang mga ito ay hindi rin agad-agad nakakauwi ang mga staff dahil kailangan pa nilang maglinis.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang ipapatupad na Health and Security Protocols sa lungsod ng Maynila matapos na magdesisyon ang pamahalaan na manatili sa GCQ ang National Capital Region.

Facebook Comments