Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Education (DepEd) na pag-aralang mabuti ang posibilidad na ibalik sa dati ang school calendar.
Matatandaang ikinukonsidera na ngayon ng DepEd na ibalik ang lumang academic calendar kung saan ang school breaks ay mula Abril hanggang Mayo upang matugunan ang mga weather-related disruption tulad ng sobrang init na panahon na nakakaabala sa pag-aaral at pagkatuto ng mga estudyante.
Ayon kay Go, ipinauubaya niya sa mga education officials ang usaping ito dahil mas alam nila ang kanilang trabaho sa departamento at batid ng mga ito ang makabubuti sa mga kababayan.
Hirit ng senador, ikonsidera ang kaligtasan at huwag nang isakripisyo ang kalusugan lalo na ng mga kabataang nahirapang mag-aral dahil hindi na kinakaya ang matinding init na dulot ng summer.
Kasabay nito, pinatitiyak din ng mambabatas na hindi maisasakripisyo ang kalidad ng edukasyong ibibigay sa bawat mag-aaral.