Tiwala si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na maibabalik na sa normal ang presyo ng karne ng baboy at mga produktong gawa rito.
Ito ay matapos sunod-sunod na dumating ang 202,006 suplay na baboy sa Metro Manila simula pa nitong ika-8 ng Pebrero.
Ayon kay Panelo, malaking tulong ito sa industriya ng magbababoy sa bansa na lubos na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Nabatid na Lunes nang ipadala ng Department of Agriculture (DA) ang 3,775 live hogs sa Metro Manila kung saan ang pagbaba ng suplay ng baboy sa Metro Manila ay isinisisi sa outbreak ng ASF sa ilang lugar sa bansa.
Sa ngayon, paliwanag ni Marikina Representative Stella Quimbo, may tatlo siyang nakikitang dahilan kaya mataas ang presyo ng karne ng baboy.
Una ang pagtaas ng presyo ay hindi lamang dahil mayroong local supply disruptions kundi ang pagkakaroon ng “pork mafia” sa likod nito.
Pangalawa, dahil hindi pa fully utilized ang Minimum Access Volume (MAV), hindi na muna kailangan ang pag-expand nito hangga’t hindi pa makakapagbigay ng sapat na datos at analysis ang DA at Tariff Commission tungkol sa import volumes sa ilalim ng mas mababang taripa.
At pangatlo, dapat ibaba ang taripa, dahil mababawasan nito ang smuggling na siya ring dahilan kung bakit nakakapasok ang karne ng baboy na infected ng ASF.