Pagbabanta ng LTFRB sa mga jeepney drivers na sasama sa transport strike sa Lunes, kinondena ng Gabriela Party-list

Mariing binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas ang banta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga tsuper na lalahok sa tigil pasada sa Lunes, July 24.

Diin ni Brosas, malupit at hindi makatao ang banta ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, na papatawan ng penalties and sanctions ang mga jeepney drivers na sasali sa tigil pasada.

Hindi katanggap-tanggap para kay Brosas, na sa halip tugunan ng LTFRB ang hinaing ng jeepney drivers laban sa PUV modernization program ay lalabagin pa ang kanilang karapatan para sa peaceful assembly and expression.


Dismayado rin si Brosas sa tuloy-tuloy na phaseout sa mga traditional jeepneys at pagkakait sa kanila ng maayos na ruta kahit pa sinabi ng pamahalaan na palalawigin ang franchise application ng mga operators.

Tiniyak ni Brosas na ang grupong Gabriela ay kaisa sa ipinaglalaban ng mga jeepney drivers and operators para sa pagpapatupad ng totoong reporma sa sektor ng transportasyon.

Facebook Comments