PAGBABANTAY NG KAPULISAN SA MAPLES RIVER SA AGUILAR, PINAIGTING; MULING PAGBUBUKAS NG POOK PASYALAN, PINAGHAHANDAAN

Pinaiigting ng Aguilar Police Station ang pagpapatupad ng police presence sa Maples River sa Barangay Pogonsili, Aguilar, Pangasinan, kaugnay ng umiiral na pansamantalang pagsasara ng lugar alinsunod sa Executive Ordinance No. 17, Series of 2024.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay PMAJ. Mark Ryan C. Taminaya, sinabi nitong nananatiling ipinatutupad ang naturang ordinansa mula pa noong 2024.

Mahigpit aniya ang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga bumibisita at mapanatili ang kaayusan ng ilog, kasunod ng mga naitalang insidente ng pagkalunod at problema sa mga naiwang basura sa lugar.

Nakatakda umano sanang buksan ang Maples River noong Pebrero 7, ngunit hindi ito naisakatuparan dahil may mga kailangang ayusin, kabilang ang pagtatalaga ng lifeguards, maayos at sistematikong implementasyon ng pamamalakad, pagpapatigil sa mga iligal na naniningil, pagpapatupad ng flat rate sa mga kubo, at ang pagkakaroon ng iisang entrance na may kaukulang environmental fee.

Dagdag pa ni Taminaya, pormal na bubuksan sa publiko ang Maples River sa oras na ganap nang maisakatuparan ang lahat ng kinakailangang paghahanda.

Sa kasalukuyan, nananatili pa ring nasa ilalim ng temporary closure ang Maples River at hindi pa pinapayagan ang publiko na magtungo sa lugar.

Nanawagan naman ang kapulisan at ang LGU Aguilar sa publiko na makipagtulungan at sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran para sa kapakanan ng mamamayan at pangangalaga sa kalikasan.

Facebook Comments