
Inaabangan at sinusubaybayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpasok ng supply ng ilegal na droga sa Camarines Sur, lalo na sa lungsod ng Naga, habang papalapit na ang panahon ng Peñafrancia Festival.
Ayon kay Agent Adrian Fajardo, head ng PDEA-Camarines Sur, nagiging oportunidad para sa mga durogista ang Peñafrancia Festival na dinarayo ng milyong katao taon-taon.
Aniya, inaasahan ng mga drug peddler ang malakihang kita sa ilegal na droga kaya nagkakaroon ng stocking sa supply nito habang palapit na ang nasabing Marian festivity, na pinakamalaki sa buong Asya.
Dahil dito, patuloy ang monitoring ng ahensya sa mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga upang mas mapatibay ang kanilang anti-illegal drugs operations laban sa mga ito.
Pinakahuling dayo sa lungsod na nahuli ng PDEA ay si “Beneranda,” 53-anyos, sa isang buy-bust operation na ginawa noong Hulyo 7 ngayong taon sa Barangay Triangulo.
Nasamsam ang nasa P1.3 million na halaga ng shabu na dinala pa umano mula NCR.









