Kahit wala nang bagyo, tuloy-tuloy ang patrolya ng mga pulis sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly lalo na sa mga nabakanteng area para maiwasan ang looting.
Ayon kay Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations, nais pa rin masiguro ng PNP na walang mangyayaring looting sa lahat ng lugar na matinding sinalanta ng bagyo.
Good news ayon kay Lt. Gen. Binag dahil hanggang ngayon ay walang naitatalang looting ang PNP.
Samantala, bukod sa mga binabantayang mga nabakanteng area ay bantay sarado rin ng mga pulis ang mga evacuation centers.
Sinabi ni Binag na mayroong halos 15,000 mga evacuation centers ang kanilang binabantayan sa ngayon dahil nananatili pa rin ang 64,677 families na matinding naapektuhan ng Bagyong Rolly na pinakamarami ay sa Bicol region.
Batay sa ibinigay na datos ng PNP, may halos 8,000 pulis ang naka-deploy para sa search and rescue habang may mahigit 18,000 mga pulis ang idineploy para sa regular law enforcement.