Pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang pagbabantay sa apat na mga barangay malapit sa border ng Pasay City kung saan dumarami ang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, nabigyan na ng kautusan ng lokal na pamahalaan ang mga medical officers ng lungsod maging ang mga barangay sa karatig na lugar.
Kabilang sa mga barangay na ito ang Baclaran, Tambo, Vitalez at Merville.
Matatandaang batay sa tala, umabot na sa 56 ang mga barangay sa Pasay na kasalukuyang isinailalim sa localized lockdown para maiwasan pa ang pagkalat ng COVID-19.
Sa ngayon, nakalatag na ang vaccination program ng lungsod ng Parañaque para sa pagdating ng bakuna kontra COVID-19.
Pagtitiyak pa ni Mayor Olivarez, mayroon na silang inisyal na order na 200,000 doses ng bakuna mula sa AstraZeneca.
Inaasahang darating naman ito sa bansa sa second quarter ng taon.
Bukod dito, patuloy pa rin aniya ang lokal na pamahalaan sa pakikipagnegosasyon sa iba pang mga kumpanya ng COVID-19 vaccine tulad ng Pfizer, Moderna, at Novavax.
Maliban sa Parañaque, naghihintay na rin ng bakuna ang lokal na pamahalaan ng Maynila kung saan posibleng dumating na sa susunod na buwan ang biniling Astrazeneca COVID-19 vaccine.