PAGBABANTAY SA MGA BAYBAYIN SA REHIYON, ITINAAS SA FULL ALERT

Itinaas sa full alert status ang Coast Guard District Northwestern Luzon bilang paghahanda sa paggunita ng Undas 2025, partikular sa mga pantalan at baybayin na posibleng dagsain.

Inatasan ang lahat ng istasyon at substation ng Coast Guard na paigtingin ang pagbabantay sa coastal areas upang maiwasan ang anumang sakuna o insidente habang inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero at deboto.

Kasabay nito, nakaantabay din ang mga Disaster Response Group, Search and Rescue, at Medical Teams para sa mabilis na pagresponde sa mga emerhensiya.

Bukod pa rito, sanib pwersa rin ang iba pang law enforcement groups upang maagapan ang anumang insidente kasabay ng patuloy na abiso sa publiko.

Pinalalakas pa ang koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdaraos ng Undas ngayong taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments