Pinaigting ng Calasiao Municipal Police Station ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga patakaran kaugnay ng bentahan ng paputok sa bayan, kasabay ng pagbibigay-babala sa mga nagnanais magbenta habang papalapit ang kapaskuhan at bagong taon.
Sa panayam ng IFM Dagupan, ipinaliwanag ng kapulisan na mas mahigpit na binabantayan ang mga nagbebenta ng paputok, lalo na ang mga hindi sumusunod sa itinakdang alituntunin at walang kaukulang pahintulot.
Kamakailan, nadiskubre ng mga awtoridad ang ilang kahon at sako ng iba’t ibang uri ng paputok sa Barangay Malabago sa bayan ng Calasiao.
Ayon sa pulisya, pinaniniwalaang inabandona ang mga naturang paputok at hinihinalang iligal ang mga ito.
Dahil dito, lalo pang pinaigting ng Calasiao MPS ang pagbabantay sa mga hangganan ng bayan at ang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay upang mapigilan ang pagpasok at bentahan ng iligal na paputok.
Nagpasalamat din ang kapulisan sa aktibong pakikilahok ng ilang residente at barangay officials sa pag-uulat at pagtulong sa pagpigil ng mga ilegal na gawain. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








