PAGBABANTAY SA PAGSUNOD NG MGA NEGOSYO SA FAIR-TRADE LAWS, PINAIGTING NG DTI PANGASINAN

Mas pinaigting ng Department of Trade and Industry Pangasinan ang pagbabantay sa patas na kalakalan matapos magsagawa ng malawakang monitoring at enforcement activity sa Calasiao, Dagupan City, at Mangaldan kahapon, Pebrero 24.

Pinangunahan ng Consumer Protection Division ang inspeksyon sa iba’t ibang establisyemento kabilang ang retail at hardware stores, repair shops, specialty stores, motorcycle parts shops, vape shops, at appliance stores.

Kabuuang 52 establisimyento ang sinuri upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa umiiral na fair-trade laws at consumer protection standards.

Sa isinagawang monitoring, tinutukan ng DTI team ang tamang paglalagay ng price tags, beripikasyon ng rehistradong pangalan ng negosyo, at pagsunod ng mga produkto sa mandatory certification requirements gaya ng PS Mark at ICC stickers.

Sinuri rin ang mga sales promotion upang matiyak na walang mapanlinlang o maling alok sa mga mamimili.

Pinaalalahanan naman ang mga negosyante na patuloy na sumunod sa mga regulasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maitaguyod ang responsable at patas na kalakalan sa lalawigan.

Facebook Comments