Umapela ang Meralco sa mga lokal na pamahalaan na payagan ang kanilang mga tauhan na magbasa ng metro.
Ito ay dahil ipagpapatuloy pa rin nila ang pagbabasa ng metro kahit isinailalim muli sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Ayon sa Meralco, masusi kasing binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang kanilang galaw kasunod ng pagdami ng mga reklamo hinggil sa mataas na singil sa kuryente.
Kasabay nito, sinabi rin ng Meralco na hindi sila maglalabas ng disconnection notice hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Samantala, posibleng magpatupad ang Meralco ng bawas-presyo sa kuryente ngayong buwan ng Agosto.
Nakatakdang ianunsyo ng Meralco sa Lunes kung magbabawas o magdadagdag sila ng singil.
Pero sakaling bumaba, ito na ang ika-4 na buwan na may bawas sa singil sa electric bill simula noong Mayo.