Isinusulong ni Akbayan Representative Percival Cendaña ang pagbabawal sa pagreserba o pag-okupa sa pampublikong parking space para hindi makaparada ang ibang sasakyan.
Nakapaloob ito sa inihain ni Cendaña na House Bill 11076 o panukalang Mindful Parking Act na layuning matuldukan ang nakagawiang diskarte na pagreserba ng parking space pamamagitan ng “physical occupation” ng isang indibidwal.
Inihain ni Cendaña ang panukala kasunod ng nag-viral kamakailan na tensyon dahil ayaw paparadahin ng isang babae ang ibang sasakyan sa isang espasyo sa parking kung saan siya nakatayo para ireserba sa kaniya o kanilang sasakyan.
Iginiit ni Cendaña na ang naturang gawi ay hindi lamang labag sa kurtesiya at polisya ng “first come, first served basis” kundi mapanganib para mismo sa mga taong ginagamit ang sarili para makapag-reserba ng parking sa mga lugar na inilaan na paradahan ng mga sasakyan.
Ayon kay Cendaña, dahil patuloy na dumadami ang nagmamay-ari ng sasakyan lalo na sa Metro Manila ay kailangang magkaroon ng regulasyon sa limitadong paradahan ng mga behikulo.
Inaatasan naman ng panukala ang mga pribadong establisimyento na maglatag ng sariling patakaran at akmang multa o parusa sa mga ganitong gawain.