Pagbabawal ng COMELEC sa observers sa pag-iimprenta ng mga balota at configuration ng SD card ng vote counting machines, kinuwestyon ng mga senador

Pinalagan nina committee on electoral reforms chairperson Senator Imee Marcos at Senator Koko Pimentel, ang umanoy pagbabawal ng COMELEC na saksihan ng mga election watchdog at kinatawan ng mga kandidato ang printing ng mga balota na gagamitin sa eleksyon gadyundin ang configuration ng mga SD card para sa vote counting machines.

Si Marcos ay muling magpapatawag ng pagdinig para pagpaliwanagin ang COMELEC dahil labag ito sa utos ng batas na maging transparent at pasaksihan ang lahat ng ginagawang paghahanda para sa eleksyon.

Nakakabahala para kay Marcos kung hindi mababantayan ang pagproseso sa SD cards dahil ito umano ang na-magic o sa pamamagitan nito naganap umano ang dayaan sa mga nakalipas na halalan.


Nasorpresa rin si Marcos sa paglikha ng COMELEC ng mga regional technical hub sa piling probinsya na tutulong umano sa pagproseso sa mga SD card kapag pumalya ang mga voting machine na hindi naman dating ginagawa.

Ikinadismaya din ni Marcos ang pagsekreto sa publiko sa pag-imprenta ng 66.4 percent ng mga balota sa national printing office.

Giit naman ni Senator Pimentel, hindi dapat gamiting excuse o palusot ng COMELEC ang pandemya o ang COVID-19 Alert Levels para hindi payagang masaksihan ng political party representatives, elections observers at publiko ang mga aktibidad na may kaugnayan sa eleksyon.

Facebook Comments