Sinusuportahan nina Senators Imee Marcos at Ramon Bong Revilla Jr., ang plano ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) at deepfakes sa panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections.
Pabor si Marcos sa pagban sa AI dahil makakahikayat o magiging daan ito para magkaroon ng transparency sa buong proseso ng kampanya.
Duda si Senator Marcos kung may kakayahan ang Comelec o alinmang ahensya ng pamahalaan para agad na ma-detect o matukoy ang gumagamit ng AI at deepfakes.
Naniniwala naman si Revilla na nararapat lamang na ipagbawal ng Comelec ang paggamit ng AI dahil naaabuso ito sa pagpapakalat ng mga kasinungalinan gamit ang makabagong teknolohiya.
Naunang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kukumbinsihin niya ang Comelec en Banc na ipagbawal ang paggamit ng AI at deepfakes dahil sa kalituhan, kasinungalingan at maling representasyon na maaaring idulot nito sa mga kandidato at sa isipan ng mga botante.