Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maaaring dalhin ng liderato ng Senado sa Korte Suprema ang pagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng gabinete na humarap sa imbestigasyon ng Senado.
Inihalimbawa ni Drilon ang ginawa niya noong 2005 bilang Senate president na idinulog nya sa katas-taasang hukuman ang Executive Order 464 na ini-isyu ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Magugunitang pinagbawalan ng EO 464 ang mga cabinet members na dumalo sa imbestigasyon ukol sa north rail controversy.
Partikular na ayaw na ni Pangulong Duterte na papaharapin ang kanyang cabinet members sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa transaskyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa gobyerno.
Kaugnay nito ay naniniwala naman si Drilon na wala pang umiiral na constitutional crises at hindi nila dapat hayaang mangyari ito.
Sa kabila ng mga aksyon ng Pangulo ay iginiit ni Drilon na hindi sila dapat matinag at pwede pa ring magpatuloy ang kanilang imbestigasyon.