Pinawi ng Department of Finance (DOF) ang pangamba ng publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ito ay makaraang pumalo sa 4.4% ang naitalang inflation nitong nakalipas na buwan ng Hulyo.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, saglit lamang ang pagsipa ng inflation o ‘yung galaw ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Pasok pa rin aniya ito sa target ng pamahalaan na 3% hanggang 4% na average inflation ngayong taon.
Epekto umano ito ng pagmahal ng presyo ng petrolyo, LPG, karne at prutas.
Nakaapekto rin aniya ang mabagal na pagbaba ng singil sa kuryente at pagmura ng presyo ng isda sa merkado.
Samantala, naniniwala si Recto na makakatulong sa pagbaba ng inflation ang pagbabawal sa POGO sa bansa na hanggang sa katapusan ng taon na lamang.
Ayon sa kalihim, dahil sa pag-alis ng mga nagtatrabaho sa POGO ay inaasahang bababa ang renta o upa sa bahay at mga opisina.