Pinag-aaralan ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ang paghahain ng panukala na magbabawal sa cross-ownership sa pagitan ng Distribution Utilities (DUs) at Power Generation Companies (GenCos).
Ito ang pahayag ng kongresista sa tila bigay-bawi scheme ng Energy Regulatory Commission (ERC) matapos na iutos sa Meralco na i-refund ang P1.4 billion na sobrang koleksyon sa transmission charge, systems loss charge, lifeline subsidy at senior citizen subsidy pero binawi rin ang refund dahil pagbabayarin din ang mga consumers ng P2.38 billion na under collected generation charges ng Meralco.
Iginiit ni Zarate na kinakailangan na ang pagbabawal sa cross-ownership ng DUs at gencos bunsod nang hindi pa napapawalang-bisa ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Bukod dito, layon din ng ihahaing panukala na matigil na ang anti-consumer at makasariling transaksyon ng mga kompanya sa mga consumers tulad ng bigay-bawi scheme.
Sa halip na makaluwag sa mga consumers ay lalo pa silang masisingil ng mahal malaking bahagi ng gencos ngayon ay may parte o buong pag-aari ng Meralco at iba pang distribution utilities (DUs).