PAGBABAWAL SA HINDI REGULADONG PAGBEBENTA AT PAG-DEVELOP NG SUBDIVIDED LOTS SA PANGASINAN, IPINANUKALA

Inihain sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang panukalang ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta at pagsasagawa ng anumang development ng iligal na subdivided lots nang hindi sumusunod sa itinakdang regulasyon sa batas.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Lambino, naisumite na sa kaukulang komite ang panukalang ordinansa at magkakaroon pa ng ilang pagdinig bago mapagpasyahan ang kahihinatnan nito.

Dagdag ni Lambino, nag-ugat umano ang panukala kasunod ng talamak na ilegal na bentahan nito, sa personal man at maging sa social media, na posibleng makapang biktima ng potential buyers.

Nakatakda pang pag-usapan sa mga susunod na proseso ang mga parusa, maging ang pagtatatag ng Inter-Agency Task Force na tututok sa pagpapatupad ng ordinansa.

Kaugnay nito, masasariwa sa patuloy na paalala ng mga lokal na pamahalaan ang pakikipag-ugnayan ng mga nagnanais makabili ng lupa sa mga opisina ng gobyerno, para sa wastong gabay sa pagbili ng mga subdivided lots nang may angkop na dokumento.

Facebook Comments