Thursday, March 19, 2026

PAGBABAWAL SA HOARDING NG GASOLINA, IPINAALALA SA MGA GASOLINAHAN SA DAGUPAN CITY

Nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan City sa mga may-ari ng gasoline station na iwasan ang hoarding at tiyaking patas ang pagbebenta ng gasolina sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East.

Ayon sa pamahalaang lungsod, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga gasolinahan upang masiguro ang maayos na suplay, tamang imbentaryo, at wastong sukat sa bawat litrong ibinebenta sa publiko. Kabilang din sa tinututukan ang tamang oras ng pagbubukas at pagsasara ng mga istasyon upang maiwasan ang kalituhan at abala sa mga mamimili.

Napag-usapan ang mga patakaran sa isinagawang pulong kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin upang maprotektahan ang kapakanan ng mga konsyumer.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na mahalaga ang malinaw na impormasyon at pag-iwas sa pagkalat ng maling balita na maaaring magdulot ng panic buying. Hinikayat din ang publiko at mga negosyante na makiisa at sumunod sa mga alituntunin upang mapanatili ang sapat na suplay at kaayusan sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments