Pagbabawal sa klase na mas maaga sa 8:30, isinusulong sa Kamara

Bacolod Rep. Greg Gasataya (Courtesy of his office)

Gawing 8:30 ng umaga ang simula ng mga klase sa paaralan para sa kapakanan ng mga estudyante.

Ito ang isinusulong ni Bacolod City Rep. Greg Gasataya, na naghain ng panukalang magbabawal sa lahat ng paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na magtakda ng klaseng mas maaga sa 8:30 AM.

Sa paghahain ng House Bill No. 569 nitong Lunes, pinaliwanag ni Gasataya na napapanahon nang baguhin ang class hours dahil sa kasalukuyang lagay ng transportasyon sa bansa.


Binanggit niya rin ang workload sa ilalim ng bagong K-12 curriculum, pagsasaalang-alang ng mental health, at accessibility ng mga paaralan sa ilang bahagi ng bansa na maaaring makaapekto sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante.

“It is the policy of the State to adopt an integrated and comprehensive approach to health development in schools. We must give priority to the physical, mental, and social well-being of students, among others, through a system of education which gives primordial interest and concern to the health and safety of students,” ani Gasataya.

Iginiit din ng mambabatas na base sa pag-aaral, bumubuti ang performance ng mga mag-aaral ‘pag hindi masyadong maaga ang klase, na aniya ginagawa na rin ng ibang bansa.

Sakaling maipasa, makikinabang din aniya ang mga magulang na hindi na kakailanganing gumising nang maaga para asikusuhin ang mga bata.

Liban sa nasabing panukala, naghain din si Gasataya ng bill para sa komprehensibong scholarship para sa persons with disabilities (PWD) at mga anak nila, at bill na hangaring magtalaga ng dagdag na mental health personnel sa universities and colleges.

Facebook Comments