Iginiit ni Senator Win Gatchalian na hindi pa napapanahong ipatupad ang panukala na gawing limitado lamang sa mga fully vaccinated ang pagpasok sa mga mall at restaurant.
Ayon kay Gatchalian, ito ay hangga’t hindi pa nagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna laban sa COVID-19.
Reaksyon ito ni Gatchalian sa suporta ng ilang grupo ng negosyante sa panukalang naglilimita sa mga bakunado o fully vaccinated na makapasok sa mga restaurants, malls at ibang commercial establishments sa National Capital Region (NCR) para makalikha ng “safer bubbles” na makakakapigil sa paglaganap ng mas nakahahawang COVID-19 variants.
Ngunit paliwanag ni Gatchalian, sa ngayon mahirap ay gawin ‘yan dahil hindi sapat ang supply ng COVID-19 vaccines natin kaya’t marami sa mga gustong magpabakuna ang hindi napagbibigyan.
Binanggit ni Gatchalian na marami siyang kausap na mga Local Government Units (LGUs) sa probinsya ang namomroblema sa supply ng bakuna.
Punto pa ni Gatchalian, hindi rin naman madadagdagan ang kita ng mga malls at restaurants kung konti pa lang ang mga bakunado.