Suportado ni Senator JV Ejercito ang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) na nagbabawal sa mga e-bikes, e-trikes at iba pang electric motor vehicle sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila simula sa Abril.
Para kay Ejercito na kilalang rider at biker din, bukod sa Metro Manila ay dapat ding ipagbawal ang mga e-trike at e-bike sa mga lalawigan dahil national road ang mga highway doon.
Delikado aniya talaga na bumabyahe sa mga malalaking lansangan ang mga ganitong uri ng transportasyon dahil kapag nabangga at sa sobrang gaan ay mapanganib ito sa buhay ng mga sakay.
Giit ng senador, hindi na dapat hintaying may masawi o maaksidente sa iba pang malalaking kalsada bago aksyunan ito lalo’t sa social media lang ay maraming kaso ng banggaan na kinasangkutan ng e-trike at e-bike.