Inalmahan ng motorcycle groups ang pagbabawal sa maliliit na motorsiklo na dumaan sa South Luzon Expressway (SLEX).
Nitong Lunes, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan ng mga motorsiklong mas mababa sa ‘400cc’ ang engine displacement sa northbound lane ng Sales hanggang Magallanes interchange.
Ayon kay Motorcycle Rights Association Chairperson Jobert Bolanos, walang naging konsultasyon sa kanila ang Skyway Management.
Pinalagan din ito ng motorcycle hailing service na Angkas.
Kinuwestyon ni Angkas Regulatory and Public Affairs head George Royeca ang kapangyarihan ng pamunuan ng Skyway na ipatupad ang ban.
Pero depensa ni Manuel Bonoan, president ng operations and management ng Skyway Corporation – ipinatutupad lamang nila ang Department Order 2007-38 ng dating Department of Transportation and Communications (DOTC) na bawal ang mga maliliit na motor sa expressway.
Dahil sa ban, ang mga motorsiklong galing sa Sales Bridge ay makakadaan na lamang sa Pasong Tamo extension kaya mas tatagal ang biyahe.
Balak ng motorcycle riding groups na dalhin sa Senado ang konsultasyon para sa agarang solusyon.