Pagbabawal sa mga private cars sa EDSA tuwing rush hours, malabo – MMDA

Inamin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Kamara na malabong maipagbawal ang mga pribadong sasakyan kahit tuwing rush hour lamang.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na hindi sasapat ang dami ng mga city buses na bumibiyahe sa EDSA para maisakay ang mga pasahero ng private vehicles kapag pinagbawal ito sa EDSA.

Ayon pa kay Garcia, aabot lang sa 4,000 units ang city buses habang nasa 280,000 naman ang mga pribadong sasakyan o 77% na private cars ang mga bumibiyahe sa EDSA.


Ibig sabihin, kakailanganin pa ng karagdagang 4,000 bus units para maisakay ang mga gumagamit ng pribadong sasakyan.

Iginiit naman ni Caloocan City Representative Edgar Erice, na siyang nagtutulak ng panukala na ipagbawal sa EDSA ang mga private cars tuwing rush hours na mas mabilis namang makakaikot ang mga bus para mahakot ang mga pasahero kung maluwag na ang EDSA.

Pero sinabi ni Garcia na mas makabubuti pa ring hayaang makabyahe ang mga pribadong sasakyan sa EDSA ngunit kailangang maipatupad ang minimum na dami ng mga pasahero sa isang kotse.

Facebook Comments