Pagbabawal sa mga senior citizen na makalabas sa umiiral na ECQ at GCQ, inalmahan ng mga senador

FILE PHOTO

Pinatutsadahan ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na magpatingin sa Chief Administrative Officer ng National Center for Mental Health ang mga opisyal ng Department of Health na nagrekumendang bawal lumabas ang mga senior citizen habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine at General Community Quarantine.

Para kay Lacson, walang basehan at isang kalokohan ang nabanggit na patakaran dahil maraming senior citizens na mas malusog at mas malakas ang immune system kaysa sa mga nakababata sa kanila.

Inihalimbawa ni Lacson ang sarili, na kahit 71-anyos na ay palaging malakas ang immune system at kaya pang umakyat ng hagdan patungong ikaanim na palapag ng senado daig pa ang kaniyang mga staff na lalaki na palaging may sipon, uubo-ubo.


Ipinunto naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na kapag ito ay ipinatupad, siya at sina Senate President Vicente Sotto, Senator Richard Gordon at Senator Lacson ay hindi makadadalo sa mga sesyon ng senado na magbubukas ‪sa Mayo 4.

Dagdag pa ni Drilon, pati sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Carlos Dominguez, Health Secretary Francisco Duque III at iba pang senior citizen sa gabinete ng Pangulo ay hindi rin pwedeng lumabas.

Mungkahi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, dapat payagan ang mga senior citizen na lumabas at magtrabaho tulad ng karamihan sa political at business leaders na pawang nakakatanda na.

Giit naman ni Senator Sonny Angara, dapat magtakda ng exemptions sa nabanggit na patakaran tulad ng mga lolo at lola na nag-iisa sa buhay at kailangang lumabas para bumili ng kanilang mga kailangan tulad ng gamot at pagkain.

Facebook Comments