Pagbabawal sa non-essential travel ng mga Pilipino, inalis na ng IATF

Tinanggal na ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang mga restrictions para sa non-essential travel.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi pa rin maaari ang turismo.

Paliwanag ni Roque, kinakailangang walang travel ban for Filipinos ang country of destination.


Mayroon ding dapat ipakitang mga dokumento at requirements sa Bureau of Immigration (BI) bago payagang makaalis ng bansa.

Kabilang dito ang pagpapakita ng confirmed roundtrip tickets, sapat na travel health insurance para kung saka-sakaling may rebooking ng flights at pantustos sa accommodation expenses.

Pipirma rin ng waiver ang isang biyahero kung saan nakasaad na alam nito ang risk o panganib na kaniyang susuungin sa pagbiyahe at kinakailangang sumunod ito sa COVID-19 guidelines sa pagbabalik sa bansa tulad ng pagsasailalim sa mandatory Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing at 14- day quarantine period.

Magiging epektibo ito sa oras na mailathala sa Official Gazette makalipas ang 15 araw.

Facebook Comments