Pagbabawal sa outdoor exercises, pinalagan ng isang kongresista

Ipinarerekunsidera ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang desisyon ng mga Metro Manila mayor na i-ban ang outdoor exercises habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Giit ni Defensor, hindi kailangan at hindi makatwiran ang pagbabawal sa outdoor exercises dahil wala namang sapat na rason o katapat na siyensya para ipagbawal ito.

Kailangan aniya ng mga tao lalo na ng mga matatanda ang ehersisyo kahit pa sa gitna ng pinakamahigpit na community restrictions dahil ang exercise ay nakapagpapalakas ng resistensya ng isang tao.


Tinukoy ng mambabatas na maski ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay kinikilala ang pangangailangan ng mga tao na makapag-ehersisyo para na rin sa kanilang physical at mental health basta’t ito’y gagawin sa mismong bisinidad o sa loob lamang ng kanilang mga barangay.

Bunsod nito ay umapela si Defensor sa IATF na payagan ang walking, jogging, biking, at iba pang kaparehong aktibidad kaakibat na ito ay gagawin magisa o sa maliit na grupo, sa loob lamang ng mga subdivision o kalye at mahigpit na susunod sa health protocols.

Facebook Comments