Tinawag na “very anti-poor” ni Senator Raffy Tulfo ang utos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ipagbawal ang pagtitinda ng mga imported na isda na pampano at pink salmon sa mga palengke simula ngayong Disyembre.
Ginawang batayan ng kautusan na ito ng BFAR ang Fisheries Administrative Order 195 kung saan ang binibigyan lamang ng exception sa certification para sa importasyon ng isda ay para sa canning at processing purposes.
Subalit, kinukwestyon ni Tulfo kung bakit naisama sa exception na ito ang mga insitutional buyer tulad ng mga hotel at restaurant.
Lumalabas tuloy na ang mga mayayaman na lamang na kayang kumain sa mga restaurants at hotels ang pwedeng makakain ng pampano at pink salmon pero ang mga mahihirap na sa mga pamilihan lang makakabili ng imported na isda ay wala nang pagkakataong makakain nito.
Giit ni Tulfo, ito ay malinaw na paglabag sa ‘equal protection’ at ang kautusan ng BFAR ay isang diskriminasyon laban sa mga maliliit na tindera sa merkado.
Maliban dito, pag-iinitan ng kautusan na ito ang mga maliliit na tindera sa palengke dahil simula sa December 4 ay kukumpiskahin na ang mga paninda ng mga vendors sa palengke na makikitang magtitinda ng imported na pampano at pink salmon.
Giit ni Tulfo, sa halip na maliliit na tindero at tindera sa palengke ang puntiryahin dapat ay sa ports at Bureau of Customs (BOC) ang maging sentro ng kautusan dahil bumibili lang naman ang mga nagtitinda ng isda sa mga importers.