Pagbabawal sa Pagbisita sa mga PDL’s, Pinalawig

Cauayan City, Isabela- Magtatagal pa ng ilang araw ang pagbabawal sa pagbisita sa mga Persons Deprived of Liberty o PDL’s na nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) San Mateo sa Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay JO1 Flordeliza Sta. Monica ng BJMP San Mateo, batay sa ibinabang kautusan ng BJMP ay magtatagal pa hanggang September 30, 2020 ang nasabing direktiba.

Bahagi aniya ito ng kanilang pag-iingat upang hindi mahawaan ng COVID-19 dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo sa nakamamatay na sakit.


Kung mayroon aniyang nahuhuli ang kapulisan ay pansamantala munang ikinukulong at nananatili sa mga lock-up cell ng bawat hanay ng pulisya.

Ibinahagi rin ni JO1 Sta. Monica na ang BJMP San Mateo ay maluwang at hindi congested dahil mayroon lamang 18 na PDL’s na kasalukuyang nakapiit na mga sangkot sa kasong murder, rape at droga.

Sinabi pa nito na nasa maayos na kondisyon ang mga nakakulong sa BJMP San Mateo at mayroon din daily exercise o zumba ang mga ito upang mapanatili ang kanilang malusog na pangangatawan.

Ayon pa kay JO1 Sta. Monica, patuloy aniya ang magandang ugnayan ng BJMP San Mateo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng kanilang binuong response team na nakahandang tumugon sa anumang pangangailangan ng mga residente.

Facebook Comments