Pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga kabataan, inihirit ng isang senador

Hiniling ni Senator Raffy Tulfo ang pagre-regulate sa paggamit ng social media ng mga kabataan upang maibaba o matigil na ang pagtaas sa bilang ng teenage pregnancy sa bansa.

Sinabi ni Tulfo sa pagdinig ng Senado na maraming menor de edad ang gumagamit ng social media ang nae-exploit na idinadaan sa pagpapakita ng kanilang mga talents.

Aniya, karaniwang nabibiktima ang mga kabataan ng mga matatandang lalaki gamit ang social media kung saan uutusan ang mga ito ng mga sensitibong bagay at kalaunan ay aayaing makipagkita sa kanila na nauuwi sa pagbubuntis ng bata.


Ilan sa mga social media na binanggit ni Tulfo na dapat ma-regulate o makontrol ay Tiktok, Facebook, Bigo, Alua at OnlyFans.

Inaatasan ni Tulfo ang Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na makipag-ugnayan sa mga nabanggit na social media apps upang masiguro na ang mga social media users ay mga matatanda na at hindi mga menor de edad.

Maaari aniyang hingian ng ID ang mga gagamit ng naturang social media para makumpirma kung adults o nasa hustong gulang na ang mga ito.

Bagama’t bumababa ang bilang ng mga nabubuntis sa edad na 15-19 anyos, nababahala naman ang mga senador dahil tumataas ang bilang ng mga nabubuntis na nasa edad 10-14 taong gulang at natuklasan pa na marami sa mga menor de edad ay nabuntis ng mga lalaking sampung taon pataas ang tanda.

Facebook Comments