PAGBABAWAL SA PAGPASOK SA DUMPSITE NG DAGUPAN CITY, PANSAMANTALANG IPINATUPAD

Pansamantala munang ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Dagupan city sa pamamagitan ng Waste Management Division ang hindi pagpapahintulot sa kahit na sino na pumasok sa Dumpsite na matatagpuan sa Bonuan.

Sa ibinahaging post ng alkalde ng lungsod na si Belen Fernandez, pansamantala munang sarado ang dumpsite at hindi muna maaaring magsagawa ng pangangalakal sa naturang dumpsite bilang pagpapaigting sa hakbang na tuluyan nang mawakasan ang tambak na basura at rehabilitation plan para rito.

Ang sino mang lalabag ay magbabayad ng karampatang multa na 300 pesos hanggang 1000 pesos. Ito ang isa rin sa kanilang hakbang upang unti-unting maisakatuparan ang balak dito na maging isang Ecotourism Park.

Ibinahagi rin ng alkalde ang pulong na naganap kasama ang DENR-CENRO, Waste Management Division, City Engineering Office, City Agriculture Office, at dumpsite management team para sa Project Transform na inilunsad ng DENR.

Layon ng proyekto na mapataas pa ang kakayahan ng lokal na pamahalaan pagdating sa environment and natural resource management sa pamamagitan ng multi-stakeholder partnership. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments