Manila, Philippines – Walang nakikitang problema ang Malacañang sa ginawang pag-alis ng Bureau of Corrections (BuCor) sa visitation privileges ng mga inmate sa mga bilangguan sa buong bansa.
Matatandaan kasing ipinag-utos ni BuCor Chief Nicanor Faeldon matapos madiskubre na nakakapagpatakbo ng drug operation sa Cebu ang isang preso ng New Bilibid Prison (NBP) sa pamamagitan ng internet.
Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala namang mali sa utos ni Faeldon dahil paraan ito upang tapusin ang operasyon ng iligal na droga sa mga kulungan.
Dagdag pa ni Panelo, pansamantala lang ang pagtigil sa visitation privileges.
Isa pa aniya, wala namang nalalabag na karapatan sa utos ni Faeldon dahil ang pagtanggap ng dalaw ay isang pribilehiyo ng mga inmate kaya maaari itong tanggalin.
Sa pagtutol dito ng Commission on Human Rights (CHR) sinabi ni Panelo na ang lahat ng ginagawa ng administrasyon ay mali sa paningin ng CHR.
Una nang sinabi ng komisyon na mas dapat tutukan ng BuCor ang pagsasaayos ng mga pasilidad ng mga kulungan sa halip na tanggalin ang visitation privileges ng mga preso.