Sang-ayon si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ipagbawal ang Christmas party dito sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Giit ni Sotto, batid ng ating pamahalaan kung ano ang makabubuti sa publiko kaya’t mainam na sundin ang pagbabawal muna sa mga party at iba pang mass gathering.
Pabor din dito si Senator Sherwin Gatchalian para patuloy na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, dapat tayong matuto sa karanasan ng ibang bansa tulad ng Britain, France at ilan pang bansa sa Europa na ngayon ay nakararanas ng second wave sa Coronavirus kaya’t muling nagpapatupad ng lockdown.
Hinikayat naman ni Senator Imee Marcos ang mga Pilipino na maging creative sa pagdaraos ng party na maaaring gawing online o virtual.
Iginiit pa ni Marcos na imbes magsagawa ng maluhong party at regaluhan, ay i-share na lang ang anumang mayroon tayo sa mga mahihirap.
Ito ay para mapairal ang tunay na diwa ng Pasko sa panahon ng pandemya.