Hinimok ng waste and pollution watchdog ang publiko na bawasan ang holi-trash” o holiday trash ngayong pagdiriwang ng pasko.
Ayon kay EcoWaste Coalition zero waste campaigner Jove Benosa, imbes na itapon sa basurahan, i-reuse at i-recycle na lamang ang mga Christmas decoration.
Sa pamamagitan nito, mababawasan ang climate change at krisis sa polusyon.
Nagbigay rin ng ilang tips si Benosa sa publiko para sa tamang pagtatapon ng basura ngayong pasko.
Ito ang mga sumusunod;
1. Ihiwalay ang compostables o yung mga nabubulok sa non-biodegradable at recyclable discards.
2. Para naman hindi masayang ang mga sobrang pagkain, ibigay na lamang ito sa mga nangangailangan tulad ng barangay health workers, tanod, security guards, street sweepers, garbage collectors at waste recyclers.
3. Ipunin ang Christmas cards, gift labels, wrappers, ribbons, boxes, at red packets sakaling kailanganin ito sa mga school projects.
4. Ang mga walang lamang jar, bote at boxes ay maiging ipunin muna para sakaling kailanganin.
Samantala, hinimok din ni Benosa ang publiko na magbigay donasyon sa mga nasalanta ng Bagyong Odette.