Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force On Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang panukalang bawasan ang ipinatutupad na social distancing sa mga pampublikong transportasyon.
Ang hakbang ay upang maitaas ang seating capacity ng mga pampublikong sasakyan at mas marami ang makasakay na pasahero.
Ayon kay Department Of Transportation Sec. Arthur Tugade, mula sa kasalukuyang 1-meter na physical distancing, sa mga susunod na linggo ay babawasan na ang distansya sa pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Epektibo sa Lunes, Sept. 14, 2020, magiging .75 meters na lang ang pagitan ng mga pasahero sa mga Public Utility Vehicle (PUV).
Nasa 0.5 ito sa susunod na dalawang linggo at 0.3 meter sa susunod pang dalawang linggo.
Magpapatupad na din ng adjusted passenger capacity sa mga tren kaya inaasahang tataas din ang bilang ng mga pasaherong maa-accommodate sa mga tren.
Sa LRT-1, mula sa kasalukuyan 155 na ang train capacity sa ilalim ng umiiral na 1-meter physical distancing ay ipapatupad ang 0.75 hanggang 0.3 meter na distansya kung saan tataas ang passenger capacity nito sa hanggang 300.
Sa LRT-2 naman mula sa kasalukuyan 160 na passenger capacity ay tataas ito sa hanggang 502
Sa MRT-3, mula sa kasalukuyan 153 na passenger capacity ay tataas ito sa hanggang 286.
At sa PNR, mula sa kasalukuyan 166 na passenger capacity ay tataas ito sa hanggang 320.