Pagbabawas sa ipinapataw na buwis sa pag-aangkat ng bigas, mais at karne, inutos ni PBBM na palawigin pa hanggang December 31, 2024

Naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungkol sa pansamantalang pagbabago sa ipinapataw na buwis sa pag-aangkat ng bigas, mais, at karne.

Ito’y upang masiguro ang abot-kayang presyo ng mga produkto sa gitna ng nakaambang epekto ng El Niño phenomenon at African Swine Fever (ASF).

Batay sa Executive Order (EO) No. 50 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, binanggit ni Pangulong Marcos ang negatibong epekto ng El Niño sa presyo at produksyon ng bigas at mais, at ang patuloy na banta ng ASF at trade restriction sa ilang nag-e-export na mga bansa na makakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.


Kaya naman, pinalawig hanggang December 31, 2024 ang implementasyon ng Executive Order No. 10 patungkol sa reduced Most Favored Nation o MFN rates para sa bigas, mais, at karneng baboy (frozen).

Sinabi ng pangulo na nakita niya ang pangangailangang palawigin pa ang aplikasyon ng reduced tariff rates upang mapanatili ang abot-kayang presyo sa merkado, batay na rin sa kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng Pilipinas.

Inatasan naman ni Pangulong Marcos ang NEDA Committee on Tariff and Related Matters na isumite ang kanilang mga findings at rekomendasyon sa pagsusuri sa buwis kasama ang monitoring ng mga nabanggit na produkto.

Facebook Comments