Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Egay Atienza, sa Enero 20, 2022 na ang nakatakdang deadline nito subalit napagpasyahan ng LGU Cauayan na i-extend ang deadline ng 70-araw para na rin matulungan ang mga negosyante.
Mula sa orihinal na deadline sa Enero 20 ay hanggang Marso 31, 2022 na ang palugit ng mga magbabayad at magre-renew ng kanilang business permit.
Ayon pa kay Councilor Atienza, malaking tulong ang ginawang pagpapalawig sa schedule ng nasabing deadline para na rin hindi mahirapan ang mga negosyante at makaiwas na rin sa posibleng hawaan o pagkalat ng virus sa Lungsod.
Ikinalungkot naman ni Councilor Atienza ang pagbaba ng bilang ng mga negosyanteng nag-renew ng kanilang negosyo dahil na rin aniya sa epekto ng pandemya.
Pero, umaasa pa rin si Atienza na sa pamamagitan ng pagpapalawig sa pagbabayad at renewal ng business permit ay marami sa mga negosyante ang matulungan at makakuha ng kanilang bagong permit sa negosyo.
Samantala, muling iginiit ng Konsehal na wala sa plano ng LGU Cauayan ang pagpapatupad ng lockdown sa Lungsod sa kabila pa rin ng pagsasailalim sa Alert Level 3 Status ng Probinsya pero mahigpit pa ring ipinatutupad ang minimum public health standards sa Lungsod.