Isinusulong ni Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na gawing madali at simple ang pagbabayad ng buwis ng mga ‘heirs’ o tagapagmana.
Sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997, ang mga tagapagmana ay kinakailangang maghain ng estate tax returns at magbayad ng buwis sa mismong revenue district kung saan naninirahan ang nasawing kaanak.
Kung ang tagapagmana ay walang ‘legal residence’ o hindi naman nakatira sa Pilipinas, ito ay magbabayad ng donor’s tax sa tanggapan ng Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa Senate Bill 1346 na inihain ni Gatchalian ay inaamyendahan ang kasalukuyang batas kung saan bibigyan ang mga tagapagmana ng kakayahang mamili kung saan nila gusto maghain at magbayad ng buwis.
Tinukoy ng senador na karaniwang ang tagapagmana ay mula pa sa malayong lugar at ang pagpunta sa lugar ng kaanak ng namatay para magbayad ng buwis ay malaking abala sa trabaho at malaki ring gastos.
Inaasahang mahihikayat ang mga tagapagmana na maghain at magbayad ng buwis sa tamang oras na makakadagdag sa malilikom na buwis ng pamahalaan para mapondohan ang ang iba’t ibang programa ng pamahalaan.