Patuloy na pinaplantsa ang hindi nabayarang sweldo ng may 10,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan Ople na humingi pa ng palugit ang kanilang counterpart sa Saudi para maisaayos ang pagbisita niya sa Saudi para pagusapan ito.
Ayon kay Ople, ipinarating sa kaniya ng Ministry Of Human Resources And Social Development ng Saudi Arabia na wala sa kanilang hurisdiksyon ang bagay na ito kundi sa mismong Office of the Crown Prince, kaya kailangan ng sapat pang panahon para maisaayos ang lahat.
Ayon kay Ople, nangako naman ang kanilang counterpart na bibigyan siya ng itinerary para sa biyahe sa Saudi sa loob ng linggong ito kung saan kasama sa prioridad na agenda ang bayaran sa sweldo ng mga OFW.
Nitong Disyembre sana ng nakalipas na taon ang schedule ng pagtungo ni Ople sa Saudi Arabia para sa layuning ito ngunit hindi natuloy dahil sa hirit na panahon pa ng panig ng Saudi Arabia.