Cauayan City, Isabela- Madadagdagan ng dalawang (2) taon bago magbayad ng ‘joining fee’ o kontribusyon ang mga tenants ng isang pribadong kumpanya sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Edgardo ‘Egay’ Atienza, nasulatan na umano nila ang Primark na gagawin ng 5 taon mula sa dating 3 taon bago ang kanilang pagbabayad ng ‘joining fee’.
Ito ay upang mabigyan aniya ng pagkakataon ang mga tenants na makabawi sa kanilang negosyo o pinagkakakitaan lalo na at naapektuhan umano ang mga ito sa isyu ng African Swine Fever (ASF) at dahil sa mga magkakasunod na bagyo.
Dagdag pa ni SP Atienza, dapat ay paso na ngayong taon ang joining fee ng bawat tenants ng nasabing kumpanya subalit minabuti na lamang na mabigyan ang mga ito ng karagdagang dalawang taon bago bayaran ang kanilang kontribusyon.
Kaugnay nito, magkakaroon ng meeting sa Dec. 10, 2019 ang buong management ng Primark upang pag-usapan ang pagpapalawig sa naturang bayarin.